by Rebecca T. Añonuevo
May napupukaw ba ang hindi sinasabi?
Muntik ko na namang ikaligalig
na wala nga yatang pinatutunguhan
kahit ang pinakalantay
na pag-aalay ng pag-ibig
sa ganitong mundo.
Tulad ng manggagawa sa ubasan
naniningil na naman ako ng karapatan.
Nanlalambot sa sasahurin,
ganitong katiting—kahit lumagutok
ang buto at nayanig bawat sulok
ng mga pandama sa lupit ng ulan at araw.
May humahabol ba nang pahagip sa alipato?
Binabati ko ang sarili, ngayong
tanging araw, na nagtatanong muli,
halos nang-uusig nga—
habang nagtatagisan ang paninimdim
at kaligayahan, ang tiyak at tuwid
at mabuway.
Ito ang hindi masawata ng nakakalat
na kasalatan—pagtibok, pag-iral,
pagsambit, paulit-ulit,
pabulong-pahiyaw,
sa gitna ng ganitong nawawarak
na daigdig,
pagbuo, pagtipon, pagsuko,
pagkapit nang mahigpit
kahit nahihiwa ang palad
sa pananangis,
pangingibig,
pangingibig.
Rebecca T. Añonuevo is the author of four anthologies of poetry: Bago ang Babae, Pananahan, Nakatanim na Granada ang Diyos, and the latest, Saulado, all winners of the Don Carlos Memorial Awards for Literature. She was recently awarded the Southeast Asian Writers Award from the Thai Royal Family. She currently heads the Department of English at Miriam College.
Pingback: On My Birthday | Hawaii Pacific Review